
“Pilipinas, Karapatdapat kang mahalin at ipagmalaki”


Ang pag-aaral ng kasaysayan ay ang pagbabalik-tanaw sa ating nakaraan, pagtuklas sa ating pinanggalingan at pagiging maalam sa ating makulay na tradisyon at kultura. Mahalaga ito sa pagbuo hindi lamang ng isang bansa kundi pati na rin sa ating pagkatao. Makapagbibigay kami ng kaalaman ukol sa “Philippine History sa Pamamagitan ng Social Media” sa pagbabahagi sa mga kaibigan at kakilala.
Ang imahe sa ibaba ay isa lamang sa mga paraan na maari din nating gawin upang maisulong ang pagaaral ng kasaysayan.

“Bakit nga ba mahalaga ang kasaysayan?” “Bakit dapat tayo mag aral ng kasaysayan?” Ilan sa mga tanong na dapat ay alam ng lahat ang sagot pero ang hirap bigyan ng kasagutan. Hindi ko maitatanggi na isa din ako sa mga tamad mag aral ng kasaysayan ng Pilipinas. Dahil narin sa pag iisip na hindi naman natin ito magagamit sa hinaharap o sa trabahong gusto o papasokan natin. Na sa aking palagay ay hindi tama. Pinag aaralan natin ang kasaysayan bilang pag balik tanaw ng mga nagawa ng ating mga bayani sa ating bansa na kung hindi nangyari ay, may posibilidad na wala ka ngayon, wala tayo ngayon at pag mamayari na ng ibang bansa ang ating bansa.
Paano nating mapahahalagahan ang ating kasaysayan kung hindi naman natin ito alam o nauunawaan? Dahil mahirap man na tanggapin o aminin, sa panahon natin ngayon, ang “history” na alam ng karamihan ay history ng browser na hinding hindi natin nakakalimutan o nakakaligtaang burahin. Dahil mas naka pokus tayo sa panonood ng kung anu ano online, paglalaro ng games, pakikipag chat at kung anu ano pa. Hindi lahat pero mas natututukan natin ang internet kaysa sa pag-aaral na kahit alam naman nating mali ay patuloy paring ginagawa. Kaya kung sasayangin mo lang ang panahon mo sa internet, kapatid, mag aral ka nalang ng ating kasaysayan. Dapat nating pagaralan ang ating kasaysayan at kultura bilang pag alala at pasasalamat sa mga nagawa ng ating mga ninuno para sa atin at upang ma i preserba ang ating kultura sa mga susunod pang henerasyon.
Maraming paraan upang mapahalagahan ang kasaysayan ng ating bansa. Hindi mo kailangang mamatay sa giyera laban sa mga mananakop para lamang masabihan na pinahahalagahan mo ang kasaysayan ng ating bansa. Simpleng pag tapon lang ng basura sa tamang lalagyan malaking tulong na. Magtanim ka ng isang puno sa isang araw malaking tulong na. Mag walis ka sa tapat ng bahay niyo malaking tulong na. Pag sunod sa mga batas at pagbabayad ng tax malaking tulong na. Dahil ang pag preserba ng ating kalikasan at kultura ay pagpapahalaga narin sa kasaysayan ng ating bansa. Sabi nga ni Mahatma Gandhi, “A nation’s culture resides in the hearts and in the soul of its people.” kaya ipag patuloy lang natin ang pag paparami para mas maraming nakaka alam ng ating kuktura at ating ma preserba ang kasaysayan ng ating bansa. Kaya wag nating isipin na boring ang pag aaral ng kasaysayan. Hindi ito dapat ipagsawalang bahala lamang. Isa itong mahalagang pangyayari na dapat nating matutunan. Dapat natin itong pahalagahan at ingatan. Imbis na makahadlang ang internet sa pag aaral, gamitin natin ito upang mapag aralan ang ating kasaysayan. Dahil ang kasaysayan ang yaman ng bansa, ito ang bumubuo sa ating bansa, tayo ang bumubuo sa ating bansa.
︼
Ilan lamang sa mga dapat nating malaman sa kasaysayan ng Pilipinas ay bidyo na nasa ibaba :
︼
Maraming paraan para maisulong natin ang pagaaral ng kasaysayan. Maaari rin natin itong maisulong sa pamamagitan ng mga awiting patungkol sa ating bansa.
Mayroong kasabihan na “Past is past” kung kaya’t ang mga bagay na nakalipas na ay dapat huwag nang balikan pa. Walang nakaraan ang hindi nagbibigay ng aral sa ating buhay at sa buhay ng iba. Lahat ng mga nakalipas na pangyayari ay kadalasang ayaw balikan at nais kalimutan dahil sa sakit na idinulot nito sa atin. Ngunit ano ba ang maganda sa pagsariwa natin sa nakalipas? Sa bahagi ng kasaysayan ng ating buhay?
Ang pag-aaral ng kasaysayan ay hindi lamang pag-aaral sa mga nakaraan, kundi sa kung paano nito naapektuhan, naaapektuhan at maaapektuhan ang ating kasalukuyan at kung paano natin maiiwasan ang mga di kanais-nais na kaganapan sa hinaharap. Gayundin ang ating mga personal na kasaysayan, may nakalaang mga pamamaraan upang ating maiwasan, may mga aral na hatid na magsisilbing gabay sa ating pamumuhay katulad na lamang na kung tayo ay madapa ay tiyak na hindi na natin nanaisin pang madapa at magkasugat.
Hindi naman puro masalimuot ang bahagi ng kasaysayan kung kaya’t pinag-aaralan din nito ang pagpapanatili ng mga bagay na may kinalaman sa mga magagandang pangyayari noon. Pinag-aaralan din nito kung paano mananatiling buhay sa isipan ng mga tao ang mga masasayang bahagi ng kasaysayan upang kanila namang maipagmalaki, maipagbunyi, at magsilbing inspirasyon.
Bukod sa mga nakalipas na pangyayari, ang kasaysayan ay tinatalakay rin ang pinagmulan ng istruktura ng lipunan, pamahalaan at pag-usbong ng kultura.
Sa pag-aaral ng mga tao ng kasaysayan, mapupuna natin ang mga pagbabago na humubog at umukit sa katauhan at kalagayan ng mga tao at ng mga bayang kanilang kinalalagyan. Nagsimula sa wala, hanggang sa umusbong, pinaunlad, muling nasira, bumangon at muling umunlad. Lahat ito ay bahagi ng pag-aaral ng kasaysayan.
︼
Sa pagaaral namin ng kasaysayan ng Pilipinas ay mayroon kaming mga bagay na nalaman na hindi pa namin nalalaman noon. Kaya’t lubos kaming nagpapasalamat sa aming Guro na si Ginoong, Joshua M. Orogan
︼
Kabilang na dito ay ang :
“Pagdating ni Magellan sa Pilipinas (Marso 16, 1521)”


Noong Marso 16, 1521, ay narating ni Ferdinand Magellan (Fernando Magallanes) ng kaniyang ekspedisyon ang pulo ng Samar sa Cebu. Si Magellan ay isang Portuges na naglilingkod sa ilalim ng watawat at Hari ng Espanya ay nagsimulang maglakbay noong 1519 mula sa Espanya upang isagawa ang unang paglalayag sa paligid ng mundo. Ang panggagalugad ni Magellan ay binubuo ng limang mga barko tinatawag na San Antonio, Santiago, Concepcion, Victoria, at Trinidad na mayroong 264 mga tauhang mandaragat. Sa pulo ng Samar sa Cebu ay tinanggap siya nina Raha Kolambu at Raha Siagu. Ang mga pulo ay pinangalanan ni Magellan bilang Kapuluan ni San Lazaro, at inangkin ang mga lupain para sa Kaharian ng Espanya, sa ilalim ng pangalan ni Haring Charles I ng Espanya (Carlos I). Si Magellan at ang kaniyang mga kasama ang sinasabing unang mga Europeong nakarating sa Pilipinas. Nagpatayo si Magellan ng isang krus sa nasabing mga lupain. Pagkaraang ipakilala nina Raha Kolambu at Raha Siagu si Magellan kay Raha Humabon ng Cebu. Kasama ng humigit-kumulang sa 800 mga Cebuano, nabinyagan si Raha Humabon sa ngalan ng Kristiyanismo. Ang hari ng Cebu na si Rajah Humabon at ang kanyang reyna ay binautismuhang Katoliko na kumukuha ng mga pangalang Carlos bilang parangal kay Haring Carlos ng Espanya at Juana bilang parangal sa ina ni Carlos. Upang alalahanin ang pangyayaring ito, ibinigay ni Magellan kay Juana ang Santo Niño bilang tanda ng bagong alyansa. Dahil sa impluwensiya ni Magellan kay Rajah Humabon, ang isang kautusan ay inutos ni Humabon para sa mga kalapit na hepe na ang bawat isa sa kanila ay magbibigay ng mga suplay ng pagkain sa mga barko at pagkatapos ay magkokonberte sa Kristiyanismo. Ang karamihan sa mga hepeng ito ay sumunod dito ngunit si Datu Lapu-Lapu na isa sa mga pangunahing hepe sa loob ng isla ng Mactan ang tanging tumutol. Tinulungan ni Magellan si Raha Humabon na labanan si Datu Lapu-Lapu. Namatay si Magellan sa labanang ito noong Abril 27, 1521. Ang natira pang mga Kastila sa kapuluan ay nagkaroon ng alitan, kabilang na ang pagtatalo ni Raha Humabon at ng mga Kastila hinggil sa kababaihan. Sa isang pag-aaway, napaslang ng mga Cebuano ang 27 mga Kastila. Nilisan ng mga Kastila ang Cebu upang ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay. Nakabalik sa Espanya ang barkong Victoria (isang barko lamang na may nalalabing 18 mga tauhan) pagkaraan ng tatlong mga taon.
︼
Bago Pa Man Dumating Ang Mga Kastila Sa Pilipinas :
“Panahon ng Katutubo”

Bago pa man dumating ang mga Kastila’y may sarili nang kalinangan ang Pilipinas. Mayroon nang sariling pamahalaan (sa kaniyang barangay), may sariling batas, pananampalataya, sining, panitikan at wika. Ang bagay na ito’y pinatutunayan ng mga mananalasysay na kastilang nakarating sa kapuluan. Isa na sa nagpatunay sa kalinangan ng Pilipinas si Padre Perdro Chirino sa kaniyang Relacion de las Islas Filipinas (1604). Sinabi niyang may sariling wika sa Pilipinas at ang mga naninirahan dito’y may sistema ng pagsulat na tinatawag na alibata. Sang-ayon din kay Padre Chirino, ang paraanng pagsulat ng mga katutubo’y patindig, buhat sa itaas pababa at ang pagkakasunod- sunod ng mga talata ay buhat sa kaliwa, pakanan. Ang ginagamit na pinakapapel noon ay ang mga biyas ng kawayan, mga dahon ng palaspas o balat ng punongkahoy at ang pinakapanulat nila’y ang mga dulo ng matutulis na bakal o iyong tinatawag sa ngayong lanseta. Sa kasamaang palad, ang mga katibayan ng kanilang pagsulat noo’y hindi na matatagpuan sapagkat sinunog ng mga mananakop na Kastila dahil ang mga iyon daw ay gawa ng mga diyablo.
︼
“Ang ugali ng mga tagalog”

Ang mga tagalog ay kauri ng mga Malay, ayon sa kanilang wika. Mula pa nuong unang panahon, sila ay pinamunuan ng mga tinawag nilang dato, iginalang na ‘hari’ at sinunod, lalo na sa panahon ng digmaan. Ang sinumang sumuway sa dato ay pinarusahan nang malupit, kahit pumintas lamang sa pandinig ninuman, kahit na ng sariling asawa at mga anak niya.
Maliit lamang ang sakop ng dato, may namamahala sa bandang 100 bahay-bahay, ang iba ay sakop ang 30 familia lamang. Ang sakop na ito ay tinawag sa Tagalog na ‘baranggay,’ katulad sa tawag nila sa bangkang pandagat na sinakyan nila papunta sa lupang ito. Kaya masasabing ang pinuno ng bangka ang naging o dati nang dato ng mga sakay na kamag-anak at mga alipin at patuloy na namuno sa kanila pagkarating dito.
Maraming mga baranggay sa bawat nayon, o kung saka-sakaling hindi bumuo ng nayon ang mga baranggay, magkakalapit pa rin ang mga ito dahil sa kampihan nila sa digmaan. Subalit hiwa-hiwalay man o sama-sama sa isang nayon, hindi nagpasakop ang isang dato sa ibang dato at ang ugnayan nila ay batay lamang sa pagiging kamag-anak, kaibigan, o kakampi sa bakbakan.

Ang Dato At Mga Maharlica.
Ang mga dato ay kahambing ng ating mga magiting (knights). Maliban sa kanila, may 3 uri (clase, caste) ng tao – ang mga alalay ng dato na tinawag na maharlica, ang mga karaniwang mamamayan na tinawag na aliping namamahay, at ang mga tunay na alipin na tinawag na alipin sa guiguilir.
Ang mga maharlica ay mga malaya (free-born) at hindi nagbabayad ng buwis (tribute) sa dato. Subalit kailangan silang umalalay sa dato sa sarili nilang pundar (ng pagkain, sandata at bangka) kapag may digmaan. Karaniwan, pinapakain silang lahat ng dato bago magpunta sa digmaan. Pagkatapos, hinahatian pa sila ng mga nakurakot sa labanan.
Kapag naglakbay ang dato, kahit na walang digmaan, kailangang magsilbi ang mga maharlica bilang tagasagwan (oarsmen)ng bangka. Kailangan din silang tumulong sa pagtayo ng kubo ng dato, at kailangan naman silang pakainin nito. Ganuon din ang gawa sa paghanda ng bukid na taniman ng dato.
︼
Dalawang Uri Ng Alipin.

Ang mga karaniwang tao ay tinatawag na aliping namamahay. May mga asawa at familia sila, at nakatira sila sa mga sariling tahanan. Kanila rin ang ginto, lupa at anumang yaman na makamit nila, na maaari nilang ipamana sa kanilang mga anak. Hindi sila maaaring ipagbili ng kanilang panginoon (dueno,master), kahit ang kanilang mga asawa at mga anak. Maaari silang manahin ng anak ng kanilang panginoon, subalit kung lumipat ang nagmana sa ibang baranggay, hindi sila maaaring kaladkarin duon. Nananatili sila sa dating baranggay, patuloy na nagsasaka ng kanilang bukid. Ganuon din ang kanilang mga anak.
Nagsisilbi sila sa kanilang mga panginoon, dato man o hindi, na binibigyan nila ng bahagi ng kanilang ani ng palay (arrozal, rice harvest), kalahati o kung anuman ang napagkasunduan nilang hatian. Nagsisilbi rin sila bilang tagapag-sagwan ng bangka tuwing lalaot ang kanilang panginoon.
Ang mga aliping sa guiguilir (saguilguilid, sa gilid-gilid ang tawag ngayon) ay nagsisilbing tagasaka (tinawag ding sacada) at tagabukid, o alila sa bahay ng kanilang panginoon. Duon sila nakatira, sa mga kubo-kubo o kubakob sa gilid-gilid ng bukid o bakuran. Ang mga alila ay pakainin ng panginoon. Ang mga tagabukid ay binibigyan ng bahagi ng palay na ani bilang pagkain nila.
︼
Pagsamba, Mga Dios At Halimaw Ng Mga Tagalog
ulat ni Juan de Plasencia nuong 1589

‘Catalonan’
Maaring maging catalonan ang mga lalaki subalit karaniwang mga babae ang nagiging catalonan na iginagalang ng mga tao sa buong kapuluan. Marangal at karaniwang maharlika ang nagiging katalo o kausap ng mga anyito.
‘Mancocolam’
Isang gabi, minsan sa isang buwan, o mas madalas pa, nagsasabog ng apoy ang mancocolam (bruja, witch) mula sa kanyang katawan. Hindi napapatay ang apoy na ito, na nagliliyab lamang kapag lumublob ang mancocolam sa pusali (alcantarilla, ordure) sa ilalim ng batalan ng bahay. Ang nakatira sa bahay ay nagkakasakit at namamatay. Maraming mancocolam sa buong kapuluan.
‘Mangagauay’
Ang mga mangagauay, tulad ng mga mancocolam, ay natatagpuan sa lahat ng pulo, at nagpapalala ng sakit, gamit ang mga gamot at gayuma. Kung gagawin niyang matalab, namamatay agad ng maysakit. Kaya din niyang patagalin nang isang taon bago mamatay ang maysakit, itinatali sa balakang (cintura, waist) ang buhay na ahas, na alagad daw ng demonio. Minsan, nagbabalatkayo pa siyang manggagamot, kunwari ay pinapagaling ang maysakit.
‘Manyisalat’
ang mga manysalat ay gumagamit ng mga gamot at gayuma, tulad ng mangagauay, subalit ang sakit na pinakakalat nila ay muhi upang maghiwalay ang mga magkasintahan. Pati ang mga mag-asawa ay nauudyukan nilang huwag nang magsiping. Kapag ang babae ay iniwan ng asawa dahil dito, siya ay nagkakasakit at namamatay, umaagos ang dugo at tubig mula sa katawan. Kalat sa buong kapuluan ang mga manysalat.
‘Hocloban’
Ang mga hocloban at mga matanda, makapangyarihan pa kaysa sa mangagauay. Hindi gumagamit ng gamot o gayuma, pumapatay sila ng tao o wumawasak ang bahay sa kumpas lamang ng kamay. Gumagamit lamang sila ng gamot at gayuma upang bigyan ng sakit ang tao, pagalingin ang binigyan nila ng sakit. Sa Catanduanes lamang, mga pulo sa tabi ng Luzon (sa banda ng Bicol), natatagpuan ang mga hocloban.
‘Silagan’
Sa Catanduanes din nabunyag ang silagan na pumapatay daw ng sinumang nakasuot ng puti. Dinudukot daw at kinakain ang atay (higado, liver) habang buhay pa. Pahayag ng isang frayle, si Juan de Merida, na sa Calavan, isang Espanyol na notario ang natagpuang patay, nahugot lahat ng bituka (intestines) at inilabas sa puwit. Inilibing ni Merida ang bangkay sa Calilaya (Caliraya ang tawag ngayon, sa Bicol).
‘Magtatangal’
Cuento-cuento lamang sa kapuluan, subalit pinagtitibay ng mga taga-Catanduanes na nakakita na sila ng mga magtatangal (manananggal ang tawag ngayon) na pugot ang ulo at wala ang sikmura (stomago, intestines) at kalahati ng katawan. Lumalakad daw gabi-gabi, dala-dala ang kanyang ulo, at pagsikat ng araw, bumabalik sa katawan at nabubuo uli.
‘Osuang’
Hindi naniniwala ang mga Tagalog sa osuang subalit sabi ng mga Visaya, nakakakita sila ng mga ito. Lumilipad daw at pumapatay at kumakain ng tao.
‘Mangagayoma’
Ang mga mangagayoma ang gumagawa ng mga gamot at gayuma (pocion,charms) upang mahaling at mapaibig ang isang tao.
‘Sonat’
May mga sonat (pastor, preacher) sa lahat ng pulo, at silang lahat ay iginagalang. Mga dato at mahadlica (maharlika) lamang ang maaaring maging sonat, na tumutulong sa mga naghihingalo at naghahayag kung ang kaluluwa ng malapit nang mamatay ay masasagip sa tiwasay (salvacion) o masasadlak sa dilim (condena).
‘Pangatahoan’
Maraming pangatahoan (echador, soothsayer) sa buong kapuluan. Sila ang nakakaalam sa mga mangyayari sa darating na panahon. (Manghuhula ang tawag ngayon)
‘Bayoguin’
Ang tinatawag nilang bayoquin (cotquean, homosexual) ay lalaki na namumuhay na parang babae.
︼
May akda : Evangelista, Yvann A. & Bañadera Carl
At muli po… Ako na si Yvann Evangelista at ang kasama ko na si Carl Bañadera ay lubos na nagpapasalamat sa napakabuting Guro naming si Joshua M. Orogan. Na sya na ring nagsilbing inspirasyon upang pagaralan namin ang kasaysayan ng Pilipinas… Maraming salamat po at naging Guro po namin kayo.

